Ipinatupad ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa lungsod ng Santiago ang red alert status ngayong Semana Santa bilang paghahanda sa inaasahang pagdami ng mga biyahero at aktibidad sa lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Fire Chief Inspector Jay-r Guillano, City Fire Marshal ng BFP Santiago, nagsimula ang red alert status noong Marso 29, kasabay ng pagpasok ng buwan ng Abril.
Aniya, agad na nag-deploy ang kanilang mga tauhan sa harap ng City Hall sa Barangay San Andres, kung saan handa ang motorist at medical assistance, kabilang ang ambulansya, upang magbigay ng agarang tulong at matiyak ang mabilis na pagresponde sa anumang insidente.
Bukod dito, patuloy ding binabantayan ng BFP ang buong lungsod laban sa mga posibleng insidente, partikular na ang sunog.
Pinaalalahanan din ng opisyal ang publiko na siguraduhing naka-unplug ang mga electrical appliances bago umalis ng bahay at tiyaking walang posibleng pagmulan ng sunog. Hinimok niya rin ang mga residente na suriin ang fire safety measures ng kanilang tahanan bago bumiyahe upang maiwasan ang anumang sakuna.











