Naniniwala ang Bureau of Immigration (BI) na mahalaga ang modernisasyon ng border security ng bansa upang mapigilan ang iligal na paglabas ng mga Pilipino at pagpasok ng mga dayuhang lumalabag sa immigration laws.
Sa pahayag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), sinabi ng BI na noong Hunyo 16 ay naibalik sa bansa ang 11 Pilipino mula sa Kota Kinabalu, Malaysia matapos umanong gumamit ng mga iligal na “backdoor” route upang makapagtrabaho sa ibang bansa.
Ayon sa BI, anim sa mga ito ang hindi dumaan sa tamang proseso ng pag-alis sa bansa at karamihan ay hindi pa nakatatanggap ng sahod mula sa kanilang mga employer.
Iginiit ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado na ipinapakita ng mga naturang insidente ang panganib na dulot ng mga illegal recruiter na nanghihikayat sa mga Pilipino na laktawan ang legal na proseso kapalit ng pangakong trabaho sa ibang bansa.
Kaugnay nito, nire-review ng BI ang Civil Aviation and Immigration Security Services (CAISS) Project, isang Public-Private Partnership na nagkakahalaga ng P10.74 bilyon.
Ayon kay BI spokesperson Dana Sandoval, kabilang sa proyekto ang biometric verification, electronic gates, artificial intelligence, facial recognition at real-time data processing upang mas mabilis na matukoy ang mga human trafficker, terorista at iba pang high-risk travelers.
Dagdag pa ni Sandoval, dumaan na sa Swiss Challenge ang panukalang proyekto at wala nang ibang kompanyang nagsumite ng katapat na alok.
Samantala, sinabi ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan na hindi na sapat ang mahigit walong dekadang Philippine Immigration Act of 1940 upang tugunan ang mga makabagong banta gaya ng human trafficking, terorismo at iba pang transnational crimes.











