
CAUAYAN CITY – Nasawi matapos magtamo ng matinding tama sa ulo ang binatang sakay ng motorsiklo na bumangga sa kasalubong na tricycle sa Tandang Sora Street, Macalaoat , Cabatuan, Isabela
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, ang nasawi ay si Joey Jacinto Jr., 21 anyos at residente ng La Paz, Cabatuan, Isabela habang ang tsuper ng nakabanggaang tricycle ay si Diosdado Ibarra, 45 anyos, binata at ang pasahero nito na si Rowena Marso, 46 anyos, dalaga kapwa residente Rizal, Roxas, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMajor Lorvinn Layugan, hepe ng Cabatuan Police Station aniya na batay sa kanilang paunang imbestigasyon, binabaybay ng tricycle na minamaneho ni Ibarra ang kalsada patungong Town Proper nang lagpasan ang nakaparadang reaper sa daan ngunit sumalpok sa motorsiklong minamaneho ni Jacinto na patungo sana sa San Mateo Town Proper.
Nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang dalawang driver maging ang pasahero na sakay ng tricycle at nagawa pang madala sa pagamutan ang mga biktima ngunit idineklarang dead on arrival si Jacinto ng kanyang attending physician.
Sinabi pa ni PMajor Layugan na walang suot na helmet si Jacinto na posibleng dahilan ng malalang sugat sa ulo at nagresulta ng kanyang kamatayan.
Dinala na sa punerarya ang bangkay ng binata habang nasa pagamutan sa Roxas, Isabela ang tsuper at pasahero ng tricycle.
Inihayag ni PMajor Layugan na posibleng hindi napansin ni Ibarra ang paparating na motorsiklo dahil may kadiliman ang lugar kung saan naganap ang aksidente .
Sinabi pa ng hepe ng pulisya na nasakop din ng nakaparadang reaper ang halos kalahati ng kalsada sa naturang lugar.









