
CAUAYAN CITY – Patay ang isang binata matapos masagasaan ng isang kotse sa pambansang lansangan na nasasakupan ng Maligaya, Echague, Isabela.
Ang biktima ay si Mark Anthony Ibarra Bauit, 23-anyos, binata at residente ng Silauan Sur, Echague, Isabela habang ang pinaghihinalaan ay si Mark Samson Lorenzo, 33-anyos, may asawa, miyembro ng Bureau of Fire Protection (BFP) Sampaloc, Manila at residente ng San Manuel, Echague, Isabela.
Ayon kina Rommel Bernabe at Armenio Berdadero na nakakita sa insidente, habang sila ay papadaan sa lugar ay nakita nila ang nakabaliktad na isang motorsiklo habang may isang lalaki na nakahiga sa kabilang bahagi ng daan.
Dahil dito, bumaba sila sa kanilang sasakyan para tulungan sana ang biktima subalit hindi sinasadya ay nasagasaan naman siya ng isang kotse na papunta sa lunsod ng Santiago.

Nagtamo ng matinding sugat ang biktima na dinala pa sa isang pagamutan sa lunsod ng Santiago subalit idineklarang dead on arrival.
Dinala na sa Echague Police Station ang naturang sasakyan kabilang na ang pinaghihinalaan para sa kaukulang disposisyon.










