CAUAYAN CITY– Nasawi ang isang lalaki sa banggaan ng motorsiklo at van sa daang Maharlika na bahagi ng Brgy. Mabini, Alicia, Isabela.
Ang biktima ay ang tsuper ng motorsiklo na si Joe Lhan Labuguen, nasa 20 hanggang 25 ang edad, binata, at residente ng Calabayan Minanga, Angadanan, Isabela habang ang tsuper ng Hyundai Starex Van ay si Senando Rueda Jr., 38 anyos, may-asawa, at residente ng Rizal, Santiago City.
Binabagtas ng motorsiklo ang pahilagang direksyon habang ang van ay patungo sa kasalungat na direksyon nang makarating sa pinangyarihan ng insidente ay lumiko ang van patungo sa isang gas station subalit nabangga nito ang paparating na motorsiklo.
Nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang tsuper ng motorsiklo na agad dinala sa isang pagamutan sa naturang bayan ng mga rumespondeng kasapi ng Alicia rescue 531 subalit idineklarang dead on arrival.
Dinala na sa Alicia Police Station ang mga sangkot na sasakyan maging ang tsuper ng van para sa kaukulang disposisyon.





