CAUAYAN CITY -Natagpuan na ang ulo at ilang bahagi ng katawan ng isang binata na unang natagpuan ang naaagnas nang bangkay sa irrigation canal ng Batal, Santiago City.
Nagtungo ang ilang kaanak ng biktima na si Jireh Atienzar, 19 anyos, vendor at residente ng Malvar, Santiago City sa lugar kung saan unang natagpuan ang kanyang bangkay noong July 20, 2020 at hinanap ang kanyang ulo katuwang ang ilang opisyal ng barangay.
Huling nakitang buhay ang binata bago ang libing ng kanilang lolo noong July 10, 2020.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Herman Atienzar, tiyuhin ni Jireh, nagparamdam sa kanya at sa ilan pa nilang kaanak ang binata at tila ipinapahanap ang kanyang ulo.
Una nilang nakita ang apat na piraso ng human ribs sa mismong lugar na natagpuan ang bangkay ng biktima.
Sa kanilang patuloy na paghahanap ay napansin nila ang isang nakasakong bagay na nakabara sa concrete pipe sa harapan ng isang gasolinahan at nang buksan ang itim na sako ay tumambad ang ulo ng binata.
Patuloy ang malalimang imbestigasyon ng Station 1 ng Santiago City Police Office (SCPO) sa pagpaslang kay Atienzar para matukoy ang mga salarin na nasa likod ng karumal-dumal na krimen.











