CAUAYAN CITY – Wala pang kamag-anak na kumukuha sa bangkay ng isang binatilyong natagpuang palutang-lutang sa Ilog Ganano River sa Baluarte, Santiago City.
Ang biktima ay tinatayang nasa 15 anyos at nasa state of decomposition na nang matagpuan
Tinatayang nasa 4’8″ hanggang 5’0 ang taas at katamtaman ang pangangatawan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PMaj Roderick Guiyab, hepe ng Station 2 ng Santiago City Police Office (SCPO) na malaki ang kanilang hinala na hindi residente ng Santiago City ang natagpuang bangkay.
Nang madiskubre ang bangkay ay agad silang nakipag-ugnayan sa mga barangay ng Sinsayon, Rosario at Calaocan ngunit walang napaulat na nawawala sa nasabing mga barangay.
Nagbigay ng flash alarm ang Station 2 sa mga kalapit lugar kabilang ang bayan ng Cordon, mga lalawigan ng Quirino at Nueva Vizcaya ngunit hindi nagtutugma ang description ng mga nawawalang tao sa mga nabanggit na lugar sa bangkay ng binatilyo.
Walang saplot ang biktima nang matagpuan kaya malaki ang posibilidad na naligo sa ilog at nalunod .
Nanawagan ang mga kasapi ng Station 2 sa mga nawawalan ng kamag-anak na makipag-ugnayan sa kanila at sa Carbonel Funeral Homes sa Calaocan, Santiago City kung saan dinala ang bangkay.
Kapag walang kamag-anak na kukuha sa bangkay ng binatilyo ay tuluyan nang ililibing sa pampublikong sementeryo sa tulong ng pamahalaang lunsod ng Santiago.












