--Ads--

CAUAYAN CITY – Nabunyag na mahilig manood ng crime and investigation series ang 17-anyos na  nakapatay sa head teacher ng kanilang eskuwelahan sa Aurora, Isabela.

Ang binatilyong suspek ay itinago sa pangalang Frank, Grade 7 at residente ng Aurora, Isabela.

Ang biktimang si Bobby Galiza, head teacher ng Doña Aurora National High School at residente ng Camarunggayan, Aurora ay natagpuang patay noong umaga ng Enero 13, 2018 sa labas ng kanilang bahay na maraming saksak sa katawan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi Sr/Insp. Villamor Andaya, hepe ng Aurora Police Station na alam umano ng binatilyo ang kanyang ginagawa upang hindi direktang matutukoy sa krimeng nagawa.

--Ads--

Umamin  aniya  sa krimen si Frank sa harap ng mga kawani ng Department of Social Welfare and Development (DSWD)  at abogado ng Public Attorney’s Office (PAO) matapos ituro ng Grade 10 student na kasama nilang pumasok sa bahay ng guro para sana pagnakawan.

Sa hiwalay namang panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa isa sa mga suspek na si Jesus Acio, 36 anyos  na nakakulong sa Aurora Police Station, sinabi niya na dahil sa kanyang takot ay hindi niya napigilan si Frank sa pagsaksak nang maraming beses sa kanyang kamag-anak na si Galiza.

Hindi rin siya sumuko dahil pinagbantaan siya ni Frank na may madadamay kung magsasalita siya.

Iginiit  niya na wala siyang partisipasyon sa krimen kaya pumapasok pa rin siya sa kanyang trabaho.