Naikostodiya ng Bureau of Internal Revenue (BIR), katuwang ang Bureau of Customs (BOC), ang 19 na motor vehicles kaugnay ng Discaya tax investigation o ang tinaguriang “Discaya cars.”
Labinlima sa mga sasakyan na nakarehistro sa mag-asawang Pacifico F. Discaya II at Cezarah Rowena Discaya ay isinailalim sa constructive distraint.
Apat na sasakyan naman ang isinailalim sa constructive seizure kaugnay ng tax assessment laban sa St. Gerrard Construction General Contractor & Development Corporation.
Ipinaliwanag ni BIR Commissioner Charlito Martin R. Mendoza na layunin ng aksyon na mapreserba ang assets at masiguro ang kakayahan ng pamahalaan na makakolekta ng buwis habang sinusunod ang due process.
Nagpasalamat din siya sa BOC sa maayos na koordinasyon at dokumentasyon sa proseso.
Matatandaang noong 2025, naghain ang BIR ng criminal tax cases laban sa Discayas na may kabuuang P7.18 bilyon na tax liabilities.
Bahagi ang hakbang na ito ng Revenue Collection and Base Protection sa ilalim ng BIR DARES upang labanan ang tax evasion at non-payment.











