Mahigpit nang ipagbabawal ng Senate Blue Ribbon Committee ang pagharap ng mga biglaang testigo o “surprise witnesses” sa mga susunod na pagdinig kaugnay ng umano’y flood control scandal.
Sa panayam, sinabi ni Senador Erwin Tulfo, chairman ng Blue Ribbon Committee, na ipagpapatuloy nila ang imbestigasyon sa pagbubukas ng bagong sesyon ng Kongreso matapos ang State of the Nation Address (SONA) sa Hulyo 27, 2026, sa oras na mabuo ang komite at maisapinal ang mga miyembro nito.
Ayon kay Tulfo, magsasagawa sila ng mas mahigpit na beripikasyon sa mga affidavit at testimonya upang matiyak ang kredibilidad ng mga testigo at maiwasan ang paglitaw ng mga hindi inaasahang resource persons sa mga pagdinig.
Iginiit din niya na dapat ay may mga bagong pangalan at impormasyon na ilalabas sa pagpapatuloy ng imbestigasyon, lalo na’t may mga personalidad nang kinasuhan ng Ombudsman batay sa naunang ulat ng komite.
Kasabay nito, muling isinusulong ni Tulfo ang pagpapatibay ng isang pambansang masterplan para sa imprastruktura upang hindi umano maging sunod-sunuran sa pulitika ang pagpapatupad ng mga proyekto.
Ayon sa senador, ang pagkakalantad ng umano’y anomalya sa mga flood control project ay nagbukas ng usapin sa matagal nang problema sa pagbaha at paggamit ng pondo ng gobyerno.
Dahil dito, hinikayat niya ang mga kapwa mambabatas na suportahan ang kanyang Senate Bill No. 1360 o ang Masterplan for Infrastructure and National Development (MIND) Act, na naglalayong maglatag ng iisang pangmatagalang plano para sa lahat ng proyektong imprastruktura sa bansa.
Aniya, makatutulong ang panukala upang maiwasan ang pag-uulit ng mga proyekto, mapabilis ang implementasyon, at masiguro ang wastong paggamit ng pondo ng bayan.










