--Ads--

Nagbabala si Sen. Erwin Tulfo na ipaaaresto niya ang sinumang kapwa senador na magsasagawa ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee nang hindi umano siya ang kinikilalang chairman ng komite.

Sa isang panayam, iginiit ni Sen. Tulfo na siya ang lehitimong chairperson ng Blue Ribbon Committee at tanging siya lamang ang may kapangyarihang magtakda at manguna sa anumang imbestigasyon na isasagawa ng naturang komite.

Ang pahayag ay kasunod ng hiwalay na pagdinig na isinagawa noong Huwebes, Hunyo 4, na pinangunahan nina Sen. Alan Peter Cayetano, Pia Cayetano, at Rodante Marcoleta.

Sa naturang pagdinig, humarap ang 18 dating miyembro ng Marines na nagpakilalang mga tauhan ni dating congressman Zaldy Co. Ayon sa kanilang salaysay, naghatid umano sila ng malalaking halaga ng pera sa ilang opisyal ng pamahalaan.

--Ads--

Muling iginiit ni Sen. Erwin Tulfo na hindi niya palalampasin ang anumang itinuturing niyang “ilegal” na pagdinig ng komite, at handa siyang magsagawa ng hakbang laban sa sinumang lalabag.

Sa kanyang pahayag, sinabi rin niya na kahit kapwa senador, maging dati man itong Senate President o dating Speaker of the House, ay posibleng ipahuli kung magsasagawa ng pagdinig nang wala umano sa tamang awtoridad, dahil siya ang kinikilalang lehitimong Blue Ribbon Committee chairman.