Patuloy na hinaharap ng Alas Pilipinas Men ang kakulangan sa suporta, partikular sa kanilang allowance, habang kinakatawan ang Pilipinas sa 2026 Asian Games sa Japan.
Ayon kay team captain Bryan Bagunas, ilang manlalaro ang napipilitang manghiram ng pera sa kanilang mga kasamahan o ibang tao para lamang may pamasahe papunta sa training o pauwi.
Aniya, hindi pa natatanggap ng ilang miyembro ng koponan ang kanilang allowance mula pa noong Hulyo. Dahil dito, may mga pagkakataong pito o walo lamang sa kanila ang nakakadalo sa ensayo dahil walang sapat na pamasahe ang ibang players.
Sinabi ni Bagunas na nagdadamayan ang mga beteranong manlalaro, partikular ang mga student-athlete, upang makumpleto ang kanilang training.
Mula umano sa Philippine Sports Commission ang kanilang allowance, ngunit sariling bulsa ng mga manlalaro ang ginagamit para sa iba pang gastusin, kabilang ang pagkain kapag sumasalungat ang kanilang training schedule sa oras ng pagkain sa hotel.
Sa kabila nito, nananatiling determinado ang Alas Pilipinas Men na katawanin ang bansa. Makakaharap nila ang China ngayong Lunes at Chinese Taipei sa Martes bilang pagtatapos ng kanilang kampanya sa Asian Games.











