Nakapagtala ang Bulkang Kanlaon ng apat na volcanic earthquake, kabilang ang volcanic tremor na tumagal ng 48 minuto, sa nakalipas na 24 oras habang nananatili sa Alert Level 2 dahil sa patuloy na pagtaas ng aktibidad nito.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) nitong Linggo, Oktubre 18, umabot sa average na 1,605 tonelada kada araw ang ibinugang sulfur dioxide ng bulkan noong Oktubre 17.
Umabot naman sa 300 metro sa ibabaw ng bunganga ng bulkan ang ibinugang usok o plume na kumalat patimog-timog-kanluran at timog-kanluran.
Patuloy rin na namataan ng mga eksperto ang pamamaga ng kabuuang estruktura ng bulkan, bagama’t may panandaliang pag-urong nito.
Dahil nananatili sa Alert Level 2 ang Kanlaon, mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng apat na kilometrong permanent danger zone nito, gayundin ang pagpapalipad ng anumang sasakyang panghimpapawid malapit sa bulkan.
Nagbabala rin ang PHIVOLCS sa posibilidad ng biglaang phreatic o steam-driven eruption at iba pang aktibidad na maaaring senyales ng paggalaw ng magma sa ilalim ng bulkan.











