Nananatiling nasa ilalim ng Blue Alert status ang lalawigan ng Kalinga dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan, pinalakas na Habagat, at mga nakaambang sama ng panahon na maaaring magdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa.
Sinabi ni PDRRMC Operations Officer at LDRRM Officer II Jeswinder Basiwal na pinanatili ang alert status bilang paghahanda dahil saturated na ang lupa bunsod ng patuloy na pag-ulan.
Aniya, unang ipinatupad ang Blue Alert noong Agosto 6 kasabay ng Bagyong Maymay at ipinagpatuloy ito dahil sa umiiral na Habagat at isa pang weather disturbance na binabantayan ng mga awtoridad.
Ipinaliwanag ni Basiwal na sa ilalim ng Blue Alert, ina-activate ang Operations Center bilang emergency center at inaatasang manatiling naka-standby ang mga responder sakaling lumala ang lagay ng panahon.
Sa kasalukuyan, nakahanda na para sa deployment ang mga emergency response personnel ng lalawigan at patuloy ang koordinasyon ng iba’t ibang response clusters.










