--Ads--

Nanawagan si Senator Robinhood Padilla sa pamahalaan na pagtuunan muna ng pansin ang pagpapatayo ng bullet train kaysa sa planong paglulunsad ng space rocket.

Ito ay matapos ihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA) na target ng bansa na magsagawa ng space rocket launch sa 2027 sa pakikipagtulungan sa isang aerospace company mula South Korea.

Sa isinagawang Kontra-SONA ng oposisyon, sinabi ni Padilla na bagama’t suportado niya ang mga hakbang para sa pag-unlad ng space technology, mas mahalaga umanong unahin ang mga proyektong direktang makikinabang ang mga Pilipino gaya ng bullet train.

Iginiit din ng senador na dapat bigyang-prayoridad ang pagpapalawak ng access sa enerhiya sa mga liblib na lalawigan sa pamamagitan ng pagde-decentralize o pagde-devolve ng ilang aspeto ng energy development.

--Ads--

Binigyang-diin ni Padilla ang nararanasang madalas na brownout sa Bicol at Camarines Norte, kung saan matagal nang isinusulong ang pagtatayo ng sariling power plant ngunit hindi pa rin umano natatapos ang mga kinakailangang proseso mula pa noong 2014.