Inihayag ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela na 98% na ang pagkukumpuni sa nasirang bahagi ng Cabagan-Sta. Maria Bridge.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Governor Rodolfo “Rodito” Albano III, sinabi niya na bago ito opisyal na buksan, muling ipapasuri ng pamahalaang panlalawigan sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ang tibay ng tulay, kalidad ng mga materyales, at ang maximum capacity ng mga sasakyang dadaan upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.
Nilinaw din niya na tanging mga light vehicles lamang, tulad ng single motorcycles, tricycles, at four-wheelers, ang papayagang dumaan. Hindi papayagan ang mga bus at truck.
Ayon kay Albano, maglalagay ng dalawang bantay sa magkabilang dulo ng tulay at magkakaroon ng CCTV cameras, sa tulong ng koordinasyon ng DPWH, lokal na pamahalaan, at kapulisan, upang matiyak ang maayos at ligtas na daloy ng trapiko.
Matapos ang isang masusing inspeksyon, inaasahan na bubuksan ang tulay sa unang linggo ng Marso ngayong taon, bilang katuparan ng pangako ni DPWH Secretary Vince Dizon na muling bubuksan ito sa loob ng dalawang buwan.
Ang tulay ay inaasahang magpapabilis ng transportasyon sa pagitan ng Cabagan at Sta. Maria at makikinabang ang lokal na komunidad.











