--Ads--

Muling lumabag ang Israel sa umiiral na “ceasefire” matapos nitong magsagawa ng sunod-sunod na air strikes sa timog Lebanon na ikinasawi ng hindi bababa sa 10 katao, ayon sa ulat ng National News Agency (NNA) ng Lebanon nitong Sabado.

Tatlong sibilyan ang nasawi sa bayan ng Shoukine sa Nabatieh district.

Dalawa ang namatay sa pag-atake sa isang sasakyan sa Kfar Dajjal.

Tatlo ang nasawi nang tamaan ang isang bahay sa Lwaizeh.

--Ads--

Dalawa pa ang namatay sa Shoukin.

Tinarget din ng Israeli warplanes ang paligid ng al-Saada Bakery malapit sa al-Quds roundabout sa Nabatieh, at ang bayan ng Siddiqine sa Tyre district.

Sa kabuuan nasa 44 katao ang napatay sa loob lamang ng nakalipas na dalawang araw.

Simula nang muling sumiklab ang digmaan noong Marso 2, umabot na sa 2,618 katao ang kabuuang bilang ng nasawi, ayon sa Lebanon Ministry of Public Health.

Mahigit isang milyong tao na rin ang na-displace mula sa kanilang mga tahanan.

Samantala, nagpahayag ang Hezbollah na magpapatuloy ang kanilang opensiba laban sa Israel.

Tinarget nila ang mga Israeli sundalo at sasakyan sa iba’t ibang bayan sa timog Lebanon.

Gumamit ng artillery strikes at suicide drones laban sa mga tropa.

Nakapinsala sa mga sasakyang militar gaya ng Humvee at Merkava tank.

Tatlong Israeli sundalo ang naiulat na napatay.