--Ads--

Apat na Chinese research vessel ang natukoy ng Philippine Coast Guard (PCG) na umano’y nagsasagawa ng illegal marine scientific research sa loob ng katubigang sakop ng Pilipinas nang walang awtoridad o pahintulot mula sa pamahalaan.

Ayon kay PCG Spokesperson for the West Philippine Sea Jay Tarriela, natukoy ang presensya ng mga barko gamit ang Dark Vessel Detection (DVD) system ng Canada.

Kabilang sa mga natukoy na barko ang Xiangyanghong 33 na nakita sa layong humigit-kumulang 140 nautical miles hilagang-kanluran ng Rizal, Palawan; ang Shi Yan 1 sa layong 118 nautical miles kanluran ng Itbayat, Batanes; ang Jia Geng sa layong 88.36 nautical miles hilagang-silangan ng Itbayat; at ang Zhuhaiyun sa layong 171.18 nautical miles kanluran ng Bolinao, Pangasinan.

Ayon sa PCG, agad silang magde-deploy ng mga aircraft at vessel upang i-challenge ang presensya ng mga naturang research vessel at paalisin ang mga ito mula sa katubigan ng bansa. Patuloy din nilang babantayan ang galaw ng mga barko alinsunod sa batas ng Pilipinas, international maritime law, at United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

--Ads--

“We will not tolerate any illegal marine scientific research conducted without our government’s consent. We are deploying aircraft and vessels to challenge and drive away these unauthorized vessels to protect Philippine sovereignty and sovereign rights,” pahayag ni PCG Commandant Ronnie Gil Gavan.