Kinumpirma ng pamahalaan ng British Columbia sa Canada nitong Sabado na isang Canadian ang nagpositibo sa hantavirus matapos bumaba mula sa isang luxury cruise ship na tinamaan ng outbreak ng Andes strain ng naturang virus.
Ang pasyente, na mula sa Yukon, ay isinailalim sa pagsusuri sa isang ospital sa Victoria, British Columbia sa Vancouver Island matapos makaranas ng mild symptoms. Siya ay kabilang sa apat na Canadian na kasalukuyang naka-isolate matapos bumaba sa MV Hondius, isang Dutch luxury cruise ship na umalis ng Argentina noong Abril 1 para sa isang polar expedition.
Ayon sa mga opisyal, kabilang sa grupo ang dalawang mag-asawa—isa mula sa Yukon at isa mula sa British Columbia.
Ipinaliwanag ni British Columbia Provincial Health Officer Bonnie Henry na sa British Columbia isinagawa ang pagsusuri sa mag-asawang mula Yukon dahil wala umanong testing service para sa hantavirus sa nasabing northern territory.
Sinabi rin ni Henry na walang nakasalamuha sa publiko ang apat na indibidwal habang inililipat sila mula sa kanilang flight patungong Victoria. Nasa stable condition naman umano ang pasyenteng nagpositibo sa virus.
Ang Andes strain ng hantavirus na natukoy sa outbreak sa cruise ship ay maaaring magdulot ng malubhang sakit sa baga at maaaring ikamatay ng hanggang 50 porsyento ng mga nahahawa, ayon sa World Health Organization (WHO).
Karaniwang naipapasa ang hantavirus sa pamamagitan ng mga daga o rodent, ngunit sa mga bihirang pagkakataon ay maaari rin itong maipasa mula tao sa tao. Gayunman, sinabi ng mga health authorities na mababa pa rin ang panganib ng pagkalat nito.











