CAUAYAN CITY – Hindi pa rin papayagan ng provincial government ng Cagayan ang mga empleyado na nasa labas ng kanilang lalawigan .
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Gov. Manuel Mamba ng Cagayan na sa provincial boundaries sa Isabela, kung ano ang ipinatupad sa Enhanced Community Quarantine ay gayundin ang ipinapatupad sa ilalim ng General Community Qurantine.
Ayon kay Governor Mamba ang kanilang papayagan lamang na makapasok sa kanilang lalawigan ay ang mga authorized person outside residence ( APOR) .
Sa ngayon ay mas lalo pa nilang pinaigting ang pagbabantay sa kanilang mga boundaries.
Nilinaw pa ni Gov. Mamba na ang mga nasa ibang lalawigan na may trabaho sa Cagayan ay hindi nila papapasukin.
Sinabi pa ng Gobernador na maaari namang mag work from home muna ang ibang mga empleyado dahil kinakailangan ang pag-iingat upang maiwasan ang virus.
Maging ang mga pampublikong sasakyan ay hindi nila papayagang makatawid sa kanilang boundaries.
Hinikayat din niya ang mga namamahala ng mga public at private offices at mga bahay kalakal na maghain ng work plan sa provincial government ng Cagayan at Punong Lunsod ng Tuguegarao para mapag-aralan ang kanilang pagbubukas at kung ilang kawani ang papapasukin dahil unti unti na nila itong bubuksan.











