Imumungkahi ng National Public Transport Coalition sa isasagawang pagdinig ng kongreso na idaan na lamang sa card ang pamamahagi ng fuel subsidy sa mga drivers at operators upang maiwasan ang mahabang pila at maiwasan ang mga hindi kanais-nais na insidente.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay NPTC Convenor Ariel Lim, sinabi niya na sa pamamagitan nito ay maiiwasan din na mabahiran ng korapsyon ang naturang programa.
Sa pamamagitan kasi ng card ay mas magiging accessible ang pamamahagi ng ayuda at makatitiyak ang pamahalaan na talagang nagagamit sa pambili ng gasolina ang mga ipinapamahaging tulong.
Ayon kay Lim, may ilan pa ring namamasada sa ilang mga lugar sa bansa ang hindi pa nakakatanggap ng ayuda kaya umaasa siya na mas mapapabilis ang pamamahagi ng tulong.
Sa naturang committee hearing ay inaasahang mapag-uusapan ang iba’t ibang solusyon o paraan upang maibsan ang pasanin ng publiko hinggil sa mataas na presyo ng produktong petrolyo gaya na lamang ng pagtalakay sa oil deregulation law.










