--Ads--

Patuloy ang pagsasagawa ng Public Employment Service Office (PESO) ng Career Development Program para sa mga mag-aaral iba’t ibang paaralan sa lungsod.

Ayon kay Atty. Divina Gonzales, PESO Officer ng Cauayan City, taun-taon nilang isinasagawa ang programa na naglalayong magbigay-gabay sa mga kabataan sa pagpili ng tamang career path.

Layunin nito na maipakilala sa mga estudyante ang mga in-demand na trabaho at industriya, gayundin ang kasalukuyang labor market trend upang maging matalino at produktibo ang kanilang magiging career choices sa hinaharap.

Dagdag pa ni Gonzales, inaasahan niyang makatutulong ang programang ito upang maging gabay ng mga kabataan sa kanilang pagpapasya para sa kinabukasan. Sa kasalukuyan, nasa higit limang paaralan na lamang ang hindi pa nila nabibisita at nakatakda nila itong puntahan sa mga darating na araw.

--Ads--

Samantala, nanawagan din si Gonzales sa lahat ng employers sa lungsod na iparehistro sa kanilang tanggapan ang mga bakanteng trabaho at maghain ng kanilang placements report bilang pagsunod sa mandato ng PESO Act of 1999.

Sa pamamagitan ng mga ganitong programa, umaasa ang PESO na mas marami pang kabataang Cauayeño ang magkakaroon ng malinaw na direksyon at mas maliwanag na oportunidad sa kanilang hinaharap.