--Ads--

Muling sasabak si Pinoy gymnastics star Carlos Yulo sa paghahangad ng dalawang gintong medalya sa finals ng men’s floor exercise at vault events ng 2026 FIG Artistic Gymnastics World Championships sa Rotterdam, Netherlands.

Unang lalaban si Yulo sa floor exercise finals ngayong alas-8 ng gabi matapos pumangalawa sa qualifying round sa naitalang 14.500 points. Nanguna sa qualifiers si Arsenii Dukhno ng Russia na may 14.700 points.

Kasama rin sa walong finalists sina Artem Dolgopyat ng Israel, Frederick Richard ng United States, Jake Jarman ng Great Britain, Yahor Sharamkou ng Bulgaria, Noam Bercovich ng Israel at Ryosuke Doi ng Japan.

Kinabukasan naman sasabak si Yulo sa vault finals kung saan nagtapos siyang pang-anim sa qualifying round na may 14.266 points.

--Ads--

Nanguna sa qualifiers sina Jarman at Artur Davtyan ng Armenia na kapwa nakapagtala ng 14.633 points, kasunod sina Nazar Chepurnyi ng Ukraine, Dukhno at Shohel Kawakami ng Japan.

Pasok din sa finals sina Sebastian Sponevik ng Norway at Harry Hepworth ng Great Britain.

May mga nauna nang gintong medalya si Yulo sa parehong event sa World Championships, kung saan nagkampeon siya sa floor exercise noong 2019 at sa vault noong 2021 at 2025.

Bukod kay Yulo, lumahok din sa world meet ang kanyang kapatid na si Karl Eldrew Yulo, kasama sina Juancho Miguel Besana at Haylee Garcia, ngunit nabigo silang makapasok sa finals.