Nagtapos sa ika-16 na puwesto sa overall medal standings ang Team Philippines sa 2026 Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan matapos makalikom ng 29 na medalya—apat na gold, siyam na silver at 16 na bronze.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Hannah Galvez, Bombo International News Correspondent mula sa Japan, sinabi niyang natapos na ang kampanya ng mga atletang Pinoy bago ang closing ceremony ngayong Oktubre 4.
Aniya, pang-apat naman ang Pilipinas sa Southeast Asia sa medal standings, habang nangunguna sa overall ranking ang China na may 165 gold, 83 silver at 74 bronze o kabuuang 322 medalya, batay sa pinakahuling tala.
Pinangunahan nina Carlos Yulo, EJ Obiena at Jeus Gabriel Yape ang apat na gold medal ng bansa. Dalawa ang nakuha ni Yulo sa artistic gymnastics, isa kay Obiena sa men’s pole vault at isa kay Yape sa mixed individual virtual taekwondo.
Kabilang naman sa mga nag-uwi ng silver sina Carlo Paalam sa men’s 55-kilogram boxing, Amaya Cojuangco sa archery, Gilas Pilipinas Women 3×3 at Jean Claude Saclag sa traditional martial arts, habang kabilang sa bronze medalists si Alex Eala sa women’s singles tennis at Eldrew Yulo sa artistic gymnastics.
Dagdag ni Galvez, mas mababa ito sa inaasahang walong gold medal ng Pilipinas bago ang kompetisyon, ngunit nalampasan naman ng 29-medal haul ang 18 medalya ng bansa sa nakaraang Asian Games.
Samantala, sinabi niyang marami pa ring Pilipino sa Japan ang sumuporta sa Team Philippines, lalo na kay Alex Eala, kahit hindi umano naging madali para sa ilan ang pagdalo dahil sa mahigpit na work policies sa Japan.
Ilang laban din ni Eala ang naantala dahil sa pag-ulan sa Japan bago siya tuluyang nagwagi ng bronze medal.
Samantala, pormal na magtatapos ang 2026 Asian Games ngayong Oktubre 4 sa Paloma Mizuho Stadium sa Japan.
Tampok sa closing ceremony ang parade ng mga atleta, pagpatay sa Asian Games flame, handover ceremony para sa susunod na host na Doha, Qatar sa 2030, at mga cultural performances.











