--Ads--

Nagbabala ang Cauayan Airport Police Station laban sa pagbibiro o pagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa bomba sa paliparan, dahil maaari itong magdulot ng takot at kaguluhan at may kaakibat na pananagutan sa ilalim ng batas.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Richard Labbao, Chief of Police ng Cauayan City Airport Police Station, sinabi nitong pinalakas ng kanilang himpilan ang police presence, aggressive foot patrol, at target hardening measures sa Cauayan Airport alinsunod sa direktiba ng kanilang pamunuan.

Aniya, kabilang ang paliparan sa mga itinuturing na mahalagang pasilidad ng bansa, kaya mahigpit na ipinatutupad ang iba’t ibang hakbang sa seguridad upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero at iba pang gumagamit ng paliparan.

Nananawagan din siya sa publiko na huwag magbiro o magpakalat ng maling impormasyon tungkol sa bomba, dahil ang ganitong mga pahayag ay maaaring magdulot ng panic at magresulta sa pagpapatupad ng mahigpit na security protocols.

--Ads--

Ang babala ay kasunod ng pagkakaaresto sa isang airport employee noong Hulyo 24 matapos umanong magsabi na may bomba sa likurang compartment ng kanyang sasakyan habang papasok sa Cauayan Airport.

Dahil sa naturang pahayag, agad na rumesponde ang mga tauhan ng Philippine National Police Aviation Security Group (PNP AVSEGROUP) kasama ang Explosive Ordnance Disposal Unit, at nagsagawa ng masusing inspeksyon sa sasakyan.

Kalaunan ay kinumpirma ng mga otoridad na walang natagpuang bomba o anumang pampasabog. Sa kabila nito, inaresto ang suspek dahil sa umano’y paglabag sa Presidential Decree No. 1727 o Anti-Bomb Joke Law, at inihahanda na ng mga awtoridad ang kaukulang kaso laban sa kanya.