Nagdulot ng pagkaantala, emergency landing at paglilihis ng ruta sa ilang passenger flights sa Europa ang sunod-sunod na bomb threat na natanggap ng mga airline nitong mga nakalipas na araw.
Kabilang sa mga apektado ang Ryanair, Wizz Air, LOT Polish Airlines at SAS Scandinavian Airlines na nakaranas ng bomb alerts noong Nobyembre 2 at 3.
Ilan sa mga eroplano ang napilitang mag-divert o magsagawa ng unscheduled landing habang nagsasagawa ng inspeksiyon ang mga awtoridad upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero at crew.
Kabilang dito ang mga flight na patungong Sofia, Bulgaria; Warsaw, Poland; at Budapest, Hungary. Mayroon ding mga eroplanong ineskortan ng mga fighter jet bago tuluyang lumapag.
Nauna ring nakaranas ng katulad na insidente ang Austrian Airlines noong Oktubre 18 matapos makatanggap ng bomb threat ang flight nito mula Tel Aviv patungong Vienna.
Gayunman, wala pang natutuklasang pampasabog sa alinman sa mga eroplanong sinuri ng mga awtoridad, habang ligtas namang nailikas at naibaba ang mga pasahero at crew.











