Mahigpit na tinututukan ng PNP Cauayan Airport ang seguridad sa paliparan at agad na iniimbestigahan ang anumang insidente ng bomb joke.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Richard Labbao, Chief of Police ng PNP Cauayan City Airport, sinabi niyang nakikipag-ugnayan ang kanilang hanay sa Civil Aviation Authority of the Philippines o CAAP, Office for Transportation Security o OTS, at iba pang airport stakeholders sa pagpapatupad ng security measures.
Aniya, patuloy din ang information drive upang ipaalala sa publiko at mga empleyado na seryosong usapin ang bomb joke dahil maaari itong magdulot ng takot at pagkaantala ng mga biyahe.
Ayon kay Pmaj. Labbao, maaaring managot sa ilalim ng Presidential Decree 1727 ang sinumang mapatutunayang gumawa ng bomb joke, na maaaring patawan ng hanggang limang taong pagkakakulong at multang hanggang ₱40,000, o parehong parusa, depende sa magiging hatol ng korte.
Samantala, patuloy din ang monitoring ng mga awtoridad sa mga security risk items o SRI na ipinagbabawal dalhin sa loob ng paliparan, kabilang ang mga bala at iba pang kahalintulad na bagay.
Ayon kay PMaj. Labbao, kakaunti na lamang ang mga pasaherong nahuhulihan ng ganitong ipinagbabawal na gamit dahil sa patuloy na pagpapaalala ng mga awtoridad at pagtaas ng kaalaman ng mga biyahero tungkol sa mga airport s ecurity regulations.
Hinimok naman ng opisyal ang publiko na makiisa sa pagpapanatili ng seguridad at kaayusan sa Cauayan Airport, lalo na sa pagsunod sa mga umiiral na patakaran.









