Opisyal nang nagsimula ngayong araw, Lunes, Setyembre 7, ang Cauayan City Athletic Association Meet na tatagal hanggang Setyembre 9.
Nilahukan ang naturang aktibidad ng mga pampubliko at pribadong paaralan sa Cauayan City mula elementarya hanggang sekondarya.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Norman Tolentino, Education Program Supervisor at Division Sports Officer ng Cauayan City, sinabi nitong 21 sports competition ang nakahanda para sa mga batang atleta.
Kabilang dito ang archery, athletics, swimming, basketball, at iba pang individual at team events.
Bahagi rin ang City Meet ng paghahanda ng lungsod para sa Cagayan Valley Regional Athletic Association Meet o CAVRAA, kung saan ang mga mananalo at mapipiling atleta ay agad na sasailalim sa pagsasanay bilang paghahanda para sa regional competition.
Hinikayat naman ni Tolentino ang mga kabataan, gayundin ang mga magulang, na suportahan ang kanilang mga anak sa pagsali sa sports dahil malaki umano ang maitutulong nito hindi lamang sa kanilang pisikal na kalusugan kundi maging sa pag-iwas sa masasamang bisyo.










