Ipinatawag ng Sangguniang Panlungsod ng Cauayan ang contractor na nangangasiwa sa ilang road construction projects sa lungsod matapos makatanggap ng mga reklamo kaugnay sa matagal na pagkaantala ng mga proyekto na nagdudulot ng matinding abala sa mga motorista at estudyante.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sangguniang Panlungsod Paolo Eleazar “Miko” Delmendo ng Cauayan City, sinabi nito na tinalakay ng kanilang komite ang mga reklamong natanggap kaugnay sa hindi pa natatapos na road construction projects sa mga barangay ng West Tabacal at iba pang lugar sa lungsod.
Ayon kay SP Delmendo, nakatakda sanang matapos ang mga proyekto noong Pebrero hanggang Marso pa lamang, subalit umabot na ng ilang buwan ang pagkaantala ng mga ito.
Dahil dito, hiniling ng konseho na magpaliwanag ang contractor at magbigay ng malinaw na commitment kung kailan matatapos ang mga proyekto.
Aniya, hindi nila nakikitang sapat ang mga dahilang ibinigay ng contractor, kabilang na ang masamang panahon at umano’y pagkaantala sa pagproseso ng traffic plan.
Ipinaliwanag din ng Konsehal na bahagi ng umiiral na ordinansa ng lungsod ang pagkakaroon ng traffic plan bago payagang magsagawa ng road closure para sa isang proyekto upang matiyak na may alternatibong rutang magagamit ang mga motorista at maiwasan ang matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko.
Sinabi pa ni SP Delmendo na malinaw na naiproseso at naipasa ang kinakailangang traffic plan kaya’t hindi umano ito maaaring gamiting dahilan sa pagkaantala ng proyekto.
Ayon sa kanya, isang contractor lamang ang nangangasiwa sa mga apektadong proyekto sa mga barangay ng Rizal, West Tabacal, Labinab, Buena suerte at iba pang lugar.
Nagbigay naman umano ng commitment ang contractor na matatapos ang mga proyekto pagsapit ng Agosto.
Gayunman, sinabi ng opisyal na kinakailangan muna nitong magsumite ng extension request na may sapat na paliwanag kung bakit kinakailangang palawigin ang completion period.
Babala niya, kung walang sapat na dahilan ang contractor, maaari itong mapatawan ng kaukulang multa o penalties batay sa bilang ng mga araw na lumampas sa orihinal na target completion date.
Samantala, nanawagan din si SP Delmendo sa contractor na tiyaking nasusunod ang itinakdang timeline ng mga proyekto upang hindi na lalo pang mahirapan ang mga residente at mga motorista na araw-araw na naaapektuhan ng matagal na konstruksyon.
Dagdag pa niya, kinakailangan ding dagdagan ang bilang ng mga traffic personnel o flagman sa mga apektadong lugar at humingi ng tulong sa mga barangay tanod upang makatulong sa pamamahala ng trapiko habang nagpapatuloy ang mga proyekto.





