Umakyat ng 0.68% ang Philippine Stock Exchange Index (PSEi) matapos samantalahin ng mga investors ang mababang presyo ng ilang pangunahing stocks.
Nagsara sa 5,493.41 ang benchmark index, katumbas ng pagtaas na 37.27 puntos, habang umakyat naman ng 0.37 porsyento ang All Shares Index. Ayon sa mga market analyst, nakatulong sa pag-angat ng merkado ang pagbaba ng global bond yields, bargain hunting at paglakas ng piso kontra dolyar.
Gayunman, mas marami pa rin ang bumagsak na stocks sa PSEi, kung saan 19 ang decliners habang 11 lamang ang gainers. Umabot sa ₱6.52 billion ang kabuuang halaga ng mga naipagpalitang shares, habang nagtala ng ₱138.74 million na net outflows ang foreign investors.
Sa kabila ng pag-angat ng merkado, nagpahayag ng pangamba ang mga analyst kung magpapatuloy ang rebound dahil sa negatibong market breadth at patuloy na pagbebenta ng mga foreign investors.










