--Ads--

CAUAYAN CITY – Balik na sa operasyon ngayong ika-14 ng Setyembre ang Cauayan City Hall matapos ang isang linggong temporary closure dahil sa ilang kawani na nagpositibo sa COVID-19.

Batay sa abiso ng pamahalaang lungsod ng Cauayan, limitado muna ang bilang ng mga empleyadong papasok sa bawat tanggapan.

Bago pumasok ay kailangan munang sumailalim sa mandatory rapid test ang mga  empleyado.

--Ads--

Unang isinagawa ang disinfection sa lahat ng mga  tanggapan ng Cauayan City Hall upang matiyak na ligtas ang lugar para sa pagbabalik ng operasyon.

Samantala, umakyat na sa 35 ang COVID-19 positive sa Cauayan City matapos na maitala ang apat na bagong kaso kahapon.

Ang mga bagong COVID-19 positive ay sina CV1156, 21 anyos na babae, residente ng Gappal, Cauayan City.

Ikalawa si CV1157, 25 anyos na babae mula sa Carabatan Bacareño, Cauayan City at kapwa nakasalamuha si CV969.

Bago sila makumpirmang positibo sa COVID-19 ay sumailalim sila sa strict home quarantine kasama ang kanilang mga pamilya.

Sina CV1156 at CV1157 ay parehong asymptomatic o walang sintomas ng COVID-19.

Ang ikatlo ay si CV1160, 66 anyos na lalaki at si CV1161, 58 anyos na babae, mag-asawa na residente ng Minante I, Cauayan City.

Sila ay asymptomatic at may kasaysayan ng paglalakbay sa Manila at umuwi sa Isabela noong ika-9 Setyembre 2020 at sumailalim sa strict home quarantine.