
CAUAYAN CITY – Naitala ang ikalawang nasawi sa Cauayan City dahil sa Coronavirus Disease (Covid-19).
Siya ay si CV2856, 59 anyos na lalaki, residente ng Barangay Mabantad, Cauayan City, nakaranas ng lagnat, pag-ubo at pananakit ng dibdib dahilan upang siya ay dalhin sa isang pribadong ospital.
Siya ay kinuhanan ng specimen sample noong ika-30 ng Oktubre 2020 subalit bago lumabas ang resulta ng kanyang swab test ay binawian ng buhay dakong alas onse ng gabi sa nasabing araw.
Pneumonia at accute Respiratory failure ang sanhi ng kanyang pagkamatay at kahapon ay lumabas na positibo siya sa COVID-19.
Nagpaabot ng pakikiramay ang pamahalaang lungsod ng Cauayan sa pamilya na naulila ni CV2856.
Samantala, nakapagtala rin ang lunsod ng walong bagong positibong kaso ng Covid-19 kahapon.
Dalawa sa mga naitala ay sina CV2839 at CV2840 na anak ng nagpositibong si CV2757 na residente ng Barangay District I, Cauayan City.
Ang karagdagang dalawa na nagpositibo ay sina CV2841 at CV2842 na kapamilya ng nagpositibong si CV2756 at mga residente ng Barangay District III, Cauayan City.
Pang-lima si CV 2846, 37 anyos na babae at residente ng Barangay District I, Cauayan City.
Siya ay isang pharmacist sa Clark, Pampanga na nakaranas ng sintomas gaya ng ubo at lagnat.
Ikaanim si CV 2847, 28 anyos na babae, may asawa at residente ng Barangay Turayong, Cauayan City.
Siya ay isang program technologist at may travel history sa bayan ng Alicia, Isabela.
Ang dalawa na huling naitalang nagpositibo ay sina CV2853 na residente ng San fermin at CV2854 na residente ng Barangay Cabaruan, Cauayan City na asymptomatic at nasa strict home quarantine.










