--Ads--

Inilatag ng City Nutrition Office ng Pamahalaang Lungsod ng Cauayan ang serye ng mga aktibidad para sa pagdiriwang ng National Nutrition Month 2026, kasabay ng pagpapatibay sa kampanya laban sa malnutrisyon at pagsusulong ng pangangalaga sa kalikasan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay City Nutritionist Mary Jane Yadao, sinabi niyang ikalawang taon nang ginagamit ang temang Nutrisyon at Kalikasan, Ating Pangalagaan, na pinili ng National Nutrition Council matapos matukoy na kabilang sa mga pangunahing salik ng malnutrisyon ang pagkasira ng kalikasan.

Ayon kay Yadao, ang labis na paggamit ng mga kemikal sa agrikultura, pagkasira ng kalidad ng lupa, at epekto ng climate change ay nakaaapekto sa produksyon, suplay, at presyo ng pagkain, dahilan upang maging mas mahirap para sa mga pamilya ang makakuha ng sapat at masustansyang pagkain.

Dahil dito, hinikayat ng City Nutrition Office ang publiko na makiisa sa mga aktibidad ngayong National Nutrition Month at suportahan ang mga programang naglalayong mapababa ang malnutrisyon sa pamamagitan ng pangangalaga sa kalikasan at pagtataguyod ng food security.

--Ads--