Iniidolo ng Grade 2 gymnast at kauna-unahang Palarong Pambansa qualifier ng SDO Isabela sa Women’s Artistic Gymnastics sina Simone Biles at Carlos Yulo kaya pinili rin nito ang Gymnastics.
Nakasungkit ng tatlong gintong medalya ang pambato ng Isabela na si Jayinah Li Aynn Cayaban, isang Grade 2 gymnast ng SDO Isabela sa nagpapatuloy na Cagayan Valley Regional Athletic Association o CAVRAA meet 2025 sa lungsod ng Santiago.
Maliban sa tatlong ginto ay nakakuha rin si Cayaban ng isang silver at isang bronze medal.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jayinah at mga magulang nitong sina Ginoong Mark Joseph at Jinky Cayaban, sinabi nila na laging nanonood ng gymnastics videos ang kanilang anak at idolo sina Simone Biles at Carlos Yulo.
Apat na taon pa lamang siya ay natuto nang magtumbling at mag-split at nang mag-aral na ito sa paaralan ay nagsanay na ito sa nasabing larangan sa tulong ng mga gymnast sa kanilang eskwelahan.
Ang Provincial Meet naman ang una nitong malaking kompetisyong sinalihan dahil sa pag-aalala ng kanyang mga magulang sa murang katawan nito sa ganitong larangan.
Ayon kay Ginang Cayaban ito ang unang beses nilang mapanood sa kompetisyon ang kanilang anak kaya sobrang kaba ang kanilang naramdaman.
Suportado naman nila si Jayinah sa pagsali sa mga kompetisyon dahil nakikitaan nila ito ng pagpupursige.
Pangarap ni Jayinah na sumunod sa yapak ni 2024 Olympic gold medalist Carlos Yulo sa kanyang paglaki.
Dahil dito ay tiniyak ni Ginoong Mark Joseph na susuportahan nila ang kanilang anak sa abot ng kanilang makakaya.