--Ads--

Iginiit ni Cayetano na ginagamit lamang umano si Lacson upang isulong ang layunin ng administrasyon, kabilang ang usapin ng impeachment at charter change. Inakusahan din niya ang mga kaalyado ng administrasyon na nagtutulungan upang mapatalsik si Duterte dahil sa mataas nitong tsansa sa susunod na halalan.

Ayon pa kay Cayetano, mas nakatuon umano si Lacson sa impeachment kaysa sa imbestigasyon sa umano’y katiwalian sa flood control projects.

Nag-ugat ang kanilang bangayan matapos tutulan ni Lacson ang umano’y paninira ni Cayetano sa kanyang integridad. Nauna nang ibinunyag ni Lacson ang umano’y pagkakaroon ng ghost project sa Taguig noong panahong kongresista pa si Cayetano at sinabing may mga testigong handang magbigay ng ebidensya kaugnay nito.

Samantala, Bumuwelta ang National Bureau of Investigation (NBI) sa naging pahayag ni Senator Alan Peter Cayetano na tumawag kay NBI Director Melvin Matibag na “minion” at “cartoon character.”

--Ads--

Sa isang pahayag, sinabi ng NBI na hindi nito papatulan ang name-calling at mananatiling nakabatay sa ebidensiya, dokumento at batas ang kanilang trabaho.

Iginiit din ng ahensya na si Matibag ay patuloy lamang na tumutupad sa kanyang tungkulin para sa kapakanan ng publiko.

Nag-ugat ang isyu matapos sabihin ni Cayetano na ginagamit umano ni Matibag ang imbestigasyon sa mga alegadong iregularidad sa 2019 SEA Games upang takutin siya bago ang pagharap ng NBI director bilang testigo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Binigyang-diin naman ng NBI na ang kanilang imbestigasyon ay patas, nakabatay sa ebidensiya, at layuning tiyakin ang wastong paggamit ng pondo ng bayan.