Pinabulaanan ni Senator Alan Peter Cayetano ang pahayag ni Senator Panfilo “Ping” Lacson na umabot sa P700 million ang pondong umano’y nasayang sa loob ng mahigit isang buwang panunungkulan niya bilang Senate President.
Sa isang Facebook Live nitong Huwebes, Hunyo 18, kinuwestiyon ni Cayetano ang pinagmulan ng naturang alegasyon at iginiit na walang batayan ang paratang laban sa kaniya.
“Sabi ni Senator Lacson, ‘Sayang ang pera. Nung si Alan Cayetano ang Senate president, P700 million ang nagastos.’ Sabi ko, saan kaya galing ‘yun?” ani Cayetano.
Hindi lamang si Lacson ang tinuligsa ng senador. Binanatan din niya ang magkapatid na sina Senator Raffy Tulfo at Senator Erwin Tulfo, na aniya’y nakikisawsaw sa pambabatikos sa kanya.
“Ni-reveal niya parang pang-iintriga kasi magaling naman sila mang-intriga. Nagta-take turns lang naman po si Raffy Tulfo, si Erwin Tulfo, si Senator Ping Lacson. Tag team lang ‘yun, ‘Oh kayo naman mang-inis kay Alan,’” dagdag niya.
Nauna rito, sinabi ni Lacson na tinatayang umabot sa P700 million ang naging gastos sa panahon ng liderato ni Cayetano bilang Senate President.
Sa kanyang pahayag, binanggit ni Lacson ang ilang pangyayaring naganap sa gitna ng krisis sa liderato ng Senado, kabilang ang mga sesyong nauwi sa kaguluhan, mga boycott sa plenaryo, at mga pagdinig ng komite na kinuwestiyon ang legalidad at awtoridad.
“Estimated Cost – P700M. Output – chaos, gunfire, Bato’s escape despite ICC-issued warrant while under its ‘protective custody’, session boycott, failed destabilization attempt, unauthorized committee hearings highlighted by one not presided nor attended by a single senator,” ayon kay Lacson.
Matatandaang naluklok si Cayetano bilang Senate President noong Mayo 11 matapos makuha ng majority bloc ang mayorya sa botong 13-11 laban sa noo’y liderato ni Senador Vicente “Tito” Sotto III.
Naging bahagi rin ng mga kaganapang iyon ang muling paglitaw ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa Senado matapos ang ilang buwang pagtatago dahil sa banta ng pag-aresto kaugnay ng arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC).








