CAUAYAN CITY– Iimbestigahan ng Commission on Higher Education (CHED) region 2 ang isang kolehiyo sa Cauayan City na nagsagawa ng face-to-face classes.
Ito ay makaraang nagpositibo si patient CV 969 na kumukuha ng earning units ng education sa nasabing kolehiyo na nasa District 2, Cauayan City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Dr. Julieta Paras, Regional Director ng CHED region 2 na nakarating sa kanilang tanggapan ang nasabing pangyayari at nagsimula na sila ng pagsisiyasat.
Sinabi ni Dr. Paras na kailangan nilang magsagawa ng pagsisiyasat dahil wala pa silang pinapahintulutan na kolehiyo at pamantasan sa region 2 na magsagawa ng face-to-face classes.
Malaki anya ang pananagutan ng kolehiyo sakaling kumalat ang virus sa paaralan.
Sa lalong madaling panahon aniya ay ilalabas ang resulta ng kanilang pagsisiyasat .
Isang kawani ng City Health Office (CHO 2) si patient CV 969 na kumukuha ng earning units ng education nasabing kolehiyo .
Sinikap ng Bombo Radyo Cauayan na makuhanan ng pahayag ang pamunuan ng nasabing kolehiyo ngunit hindi na nagbigay ng anumang impormasyon.











