--Ads--

Inihayag ng Taiwan nitong Sabado na nagsagawa umano ng unang koordinadong operasyon ang isang barko ng Chinese coast guard at isang Chinese survey vessel sa mga katubigan malapit sa mga isla sa South China Sea na kontrolado ng Taiwan.

Ayon sa Taiwan Coast Guard, itinuturing nilang “provocation” ang naturang hakbang ng China na naganap sa paligid ng Pratas Islands, isang kapuluang itinuturing na national park at nasa hilagang bahagi ng South China Sea. Ang mga isla ay binabantayan ng Taiwan Coast Guard ngunit nananatiling mahina ang depensa kumpara sa mas malalaking pwersa.

Sa ulat ng Taiwan, unang lumapit noong Biyernes ang isang barko ng Chinese coast guard sa nasabing lugar, habang sumunod naman noong Sabado ang isang oceanographic survey vessel ng China na pumasok din sa paligid ng mga isla.

Ang Pratas Islands ay matatagpuan sa pagitan ng timog Taiwan at Hong Kong at itinuturing ng ilang security analysts na posibleng maging sensitibong punto sa patuloy na tensyon sa pagitan ng Taiwan at China. Dahil sa layo nitong mahigit 400 kilometro mula sa pangunahing isla ng Taiwan, itinuturing itong mas mahirap ipagtanggol sa oras ng anumang insidente.

--Ads--

Sa ngayon, wala pang pahayag ang China hinggil sa naturang akusasyon ng Taiwan. Patuloy namang mino-monitor ng mga awtoridad ang sitwasyon sa nasabing lugar habang nananatiling mataas ang tensyon sa rehiyon.