--Ads--

Nagsagawa ng magkakasabay na operasyon ang Criminal Investigation and Detection Group at National Bureau of Investigation nitong Miyerkules sa hindi bababa sa apat na lungsod sa Luzon kung saan hinihinalang nagtatago si Senador Ronald “Bato” dela Rosa.

Isa sa mga sinalakay ay isang bahay sa Barangay Balibago, Angeles City, Pampanga kung saan maagang dumating ang mga awtoridad. Kinumpirma na walang tao sa loob ng naturang bahay nang isagawa ang operasyon.

Ayon sa mga lokal na opisyal, ang bahay ay nakarehistro umano sa pangalan ng isang indibidwal na sinasabing kamag-anak ni Senador Robin Padilla at kasalukuyang nagsisilbing consultant sa Senado. Gayunman, wala umanong kumpirmasyon na naroon si Dela Rosa sa naturang lugar.

Sinabi rin ng mga opisyal ng barangay na inuupahan ang bahay at wala ring nakita na mga hinihinalang kasama o nauugnay sa senador sa loob ng operasyon.

--Ads--

Bukod sa operasyon sa Pampanga, nagsagawa rin ng hiwalay na paghahanap ang mga law enforcer sa tatlong iba pang lokasyon sa Metro Manila.

Nauna nang inatasan ng Department of Justice ang PNP at NBI na ipatupad ang pag-aresto kay Dela Rosa na umano’y wanted sa International Criminal Court kaugnay ng kanyang naging papel bilang dating hepe ng PNP at sa kampanya kontra droga noong administrasyong Duterte.

Nagtago si Dela Rosa noong Nobyembre 2025 matapos kumalat ang ulat na may inilabas na warrant of arrest ang ICC laban sa kanya, ngunit muling lumutang noong Mayo 11 sa Senado upang bumoto sa usaping liderato.

Matapos ang ilang araw, muling naglaho ang senador at iniulat na nagtago kasunod ng kaguluhan na kinasangkutan sa loob ng Senado.