Naniniwala ang Federation of Free Farmers (FFF) na bagama’t huli na ang isinagawang cloud seeding operation sa Magat Dam, maaari pa rin itong makatulong upang mabawasan ang epekto ng tagtuyot sa mga sakahan sa Isabela at mga karatig-lugar.
Ayon Chairman of the Board Leonardo Montemayor, naging kritikal na ang lebel ng tubig sa Magat Dam kaya’t maituturing na isang “last resort” o huling hakbang ang cloud seeding upang makapagbigay ng karagdagang tubig para sa irigasyon.
Gayunman, binigyang-diin niya na magiging epektibo lamang ang cloud seeding kung may sapat na cloud formations sa ibabaw ng dam. Anila, kung walang ulap o kung tangayin lamang ng malakas na hangin ang mga ito, maaaring hindi rin maging matagumpay ang operasyon at masayang lamang ang pondong ginugol ng pamahalaan.
Aniya, sana ay mas maaga itong isinagawa dahil may ilang libong ektarya ng palayan na umano ang naapektuhan at hindi natamnan dahil sa kakulangan ng tubig mula sa Magat Dam.
Sa kabila nito, naniniwala ang FFF na dapat pa ring ipagpatuloy ang cloud seeding kahit may inaasahang pag-ulan dulot ng bagyo.
Ayon sa kanila, mas mabuting pagsabayin ang dalawang hakbang kaysa umasa lamang sa ulan na maaaring hindi tumama sa watershed ng Magat Dam.











