Nanawagan ang Federation of Free Farmers kay Department of Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na mag-leave of absence muna sa puwesto habang iniimbestigahan ang umano’y tangkang pagpupuslit ng imported na bigas sa Pilipinas.
Matatandaan na nasabat sa Port of Davao ang shipment ng bigas mula Vietnam na pag-aari umano ng Planters Products, Inc., matapos matuklasang wala itong balidong sanitary and phytosanitary import clearance na iniisyu ng Bureau of Plant Industry sa ilalim ng Department of Agriculture.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Leonardo Montemayor, chairman of the board ng Federation of Free Farmers, sinabi nitong mahalagang pansamantalang lumiban sa tungkulin ang kalihim upang matiyak na magiging patas, malaya at walang impluwensiya ang isinasagawang imbestigasyon.
Iginiit ni Montemayor na may posibleng conflict of interest dahil si Secretary Laurel ay umano’y may hawak na 79.2% sa shares of stock ng Planters Products, Inc. Holding, batay sa mga dokumentong nakarehistro sa Securities and Exchange Commission.
Aniya, dahil ang Bureau of Plant Industry na nag-iisyu ng import clearance ay nasa ilalim din ng Department of Agriculture, mahalagang matiyak na walang posibleng impluwensiya ang kalihim sa imbestigasyon.
Bukod kay Secretary Laurel, nanawagan din ang grupo na mag-file din muna ng leave of absence si Bureau of Plant Industry Director Glenn Panganiban habang iniimbestigahan ang usapin.
Gayunman, nilinaw ni Montemayor na hindi nila direktang inaakusahan ang kalihim na sangkot sa umano’y tangkang pagpupuslit ng bigas, kundi nais lamang nilang matiyak ang kredibilidad at pagiging patas ng imbestigasyon.










