Inatasan ng Senate impeachment court ang isang empleyado ng Commission on Audit (COA) at dalawa pang indibidwal na humarap at tumestigo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Setyembre 7 hanggang 9.
Sa kautusan ni Senate impeachment court Presiding Officer Francis Escudero, pinagbigyan ng korte ang kahilingan ng prosekusyon na magpalabas ng subpoena laban kina COA employee Bresilio Sabaldan, dating Department of Education (DepEd) Assistant Secretary Sunshine Cherry Fajarda, at Police Major Jovelyn Magay.
Ayon kay lead prosecutor at Batangas Representative Gerville Luistro, kabilang ang tatlo sa mga testigong ihaharap ng prosekusyon sa susunod na linggo kasama sina dating DepEd Special Disbursing Officer Eduard Fajarda at Philippine Statistics Authority official Marizza Grande.
Sinabi rin ni Luistro na kabilang sina Sabaldan at Magay sa mga reserve witness na nakalista sa pretrial brief ng prosekusyon at inaasahang makatutulong sa pagpapatibay ng mga ebidensyang ihaharap sa korte.
Gayunman, posibleng hindi na iharap si Eduard Fajarda bilang testigo kung papayag ang kampo ng depensa sa ilang stipulasyon kaugnay ng kanyang papel sa paglalabas ng confidential funds ng DepEd.
Iniutos naman ni Escudero sa prosekusyon na isumite nang nakasulat ang mga iminungkahing stipulasyon upang masuri ng depensa.
Sa kasalukuyan, tinatalakay ng prosekusyon ang Article 1 ng impeachment complaint na nag-aakusa kay Duterte ng umano’y maling paggamit, misappropriation, at iregular na liquidation ng P612.5 milyong confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education noong siya pa ang kalihim ng ahensya.











