--Ads--

Nagpaalala ang Commission on Elections (COMELEC) sa mga residente na hindi pa rehistrado na magtungo na sa kanilang tanggapan upang makapagparehistro para sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Johanna Vallejo, election officer ng Comelec Cauayan City, sinabi niya na tuloy-tuloy ang voters registration at tatagal ito hanggang ika-18 ng Mayo.

Hinikayat niya ang lahat ng kwalipikadong botante na huwag nang maghintay sa huling araw upang maiwasan ang dagsa ng mga aplikante.

Binigyang-diin din ni Atty. Vallejo sa mga magpapa-online reactivation na tiyaking kumpleto ang kanilang requirements at agad na isumite ang kinakailangang dokumento sa itinakdang panahon upang hindi maantala ang kanilang aplikasyon.

--Ads--

Dagdag pa niya, sa ngayon ay nakatakda pa ring isagawa ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections at mananatili itong tuloy hangga’t walang inilalabas na pinal na abiso ang Comelec ukol sa anumang pagbabago sa schedule.

Samantala, patuloy ang panawagan ng ahensya sa publiko na makiisa at gampanan ang kanilang tungkulin bilang mamamayan sa pamamagitan ng pagpaparehistro at pakikilahok sa darating na halalan.