--Ads--

Binalaan ng Commission on Elections o COMELEC ang publiko laban sa double registration o muling pagpaparehistro ng isang botante sa ibang lugar, kasabay ng paalala na may kaakibat itong mabigat na parusa sa ilalim ng batas.

Ayon kay Atty. Johanna Vallejo, Election Officer ng COMELEC-Cauayan City, patuloy pa rin nilang nadedetek ang mga kaso ng double registration gamit ang Automated Fingerprint Identification System o AFIS.

Sa pamamagitan ng naturang sistema, natutukoy ang pagkakapareho ng biometric data ng isang indibidwal kahit pa ito ay nagtangkang magparehistro sa ibang lugar.

Paliwanag pa ni Atty. Vallejo, malinaw na ipinagbabawal ang double registration at itinuturing itong election offense. Kapag napatunayang nagkasala, maaaring maharap ang isang indibidwal sa iba’t ibang parusa tulad ng pagkakakulong ng isa hanggang anim na taon, pagkawala ng karapatang bumoto, at diskwalipikasyon sa paghawak ng anumang posisyon sa gobyerno.

--Ads--

Dahil dito, muling pinaalalahanan ng COMELEC ang mga botante na tiyaking iisa lamang ang kanilang rehistro at sumunod sa ipinatutupad na mga patakaran. Binigyang-diin din ng ahensya na ang integridad ng voters’ list ay mahalaga upang masiguro ang malinis, maayos, at kapani-paniwalang halalan.