Pinaghahandaan na ng Commission on Elections (COMELEC) ang posibleng legal na hamon sa pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na nakatakda sana sa Nobyembre 2, 2026.
Ayon kay COMELEC Chairman George Garcia, hindi awtomatikong ibabalik ang filing ng Certificate of Candidacy (COC) sakaling may maghain ng petisyon sa Korte Suprema laban sa bagong batas.
Mas pinangangambahan ng poll body ang posibilidad na maglabas ang Korte Suprema ng temporary restraining order o TRO na maaaring makaapekto sa kanilang mga paghahanda.
Giit ni Garcia, hindi maaaring basta-basta ibalik ang mga nakanselang aktibidad nang walang malinaw na panuntunan at sapat na abiso sa mga botante at mga nais kumandidato.
Kaugnay nito, muling bubuksan ng poll body ang voter registration mula sa ikalawang linggo ng Nobyembre hanggang Hulyo 2027 upang makapagparehistro ang mga bagong botante at makapagpalipat ng rehistrasyon ang iba.
Umaabot na rin sa Php 8B ang nagastos ng poll body sa paghahanda para sa ipinagpalibang halalan.
Tiniyak naman ni Garcia na itatabi muna ang mga election paraphernalia, kabilang ang mga balota, upang mapakinabangan pa sa mga susunod na halalan.
Matatandaang nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang batas na naglilipat ng BSKE sa Nobyembre 2028.











