CAUAYAN CITY – Handa na ang Commission on Elections (Comelec) region 2 para sa halalan sa May 9, 2022.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Asst. Regional director Jerbee Cortez, acting election officer ng Comelec Cauayan City na magsasagawa sila ng refresher training sa mga magsisilbing electoral board at DESO technical support staff.
Ang mga Vote Counting Machine (VCM) na gagamitin sa ikalawang rehiyon 2 ay dumating na at ipapamahagi sa bawat bayan sa May 2-7, 2022.
Ayon kay Atty. Cortez, regular ang komunikasyon nila sa Philippine National Police (PNP) at sa April 25, 2022 ay isasagawa ang provincial meeting sa Lunsod ng Ilagan kasama ang mga election officer, mga municipal at city treasurer, F2 logistics courier at PNP.
Tatalakayin ang ibibigay na seguridad sa final testing at sealing ng mga VCM.
Binanggit ni Atty. Cortez ang mga lugar sa ikalawang rehiyon na isinailalim sa red category.
Sa Cagayan ang mga nasa red category ay ang mga bayan ng Buguey, Rizal, Amulung, Peniablanca, Tuao, Baggao at Enrile habang sa Isabela ay ang Lunsod ng Ilagan, San Pablo, Jones, San Mariano at San Guillermo.
Ang mga lugar na wala sa red category ay nasa green category na normal lang ang sitwasyon.
Ayon kay Atty. Cortez, naging batayan sa pagsailalim sa mga lugar na nasa red category ang mainit na tunggalian ng mga kandidato, presensiya ng mga rebelde at private armed group at mga naganap na kaguluhan sa mga nagdaang halalan kaya pinaigting ang seguridad.
Ayon kay Atty. Cortez, ang PNP ang nagdeklara ng kategorya dahil ito ang nakakaalam sa tunay na sitwasyon sa mga lugar.
Samantala, inanyayahan ni Atty. Cortez ang mga mamamayan na manood sa roadshow sa bawat bayan para sa voters education campaign ng Comelec.
Sa lunsod ng Cauayan ay isasagawa sa Biyernes sa SM Cauayan City para ipakita ang VCM, kung paano mag-shade sa balota, kung paano ipasok sa VCM at kung paano magbilang ng mga boto.




