--Ads--

Iginiit ni House prosecution panel adviser at spokesperson Ace Barbers na hindi ang halaga ng mga kontrata ng GenCorp Industries Inc. sa Davao City government ang pangunahing punto ng pagharap sa mga ito bilang ebidensiya sa Senate impeachment court.

Ayon kay Barbers, nakatuon ang ebidensiya sa alegasyon ng conflict of interest dahil ang GenCorp, na idineklara ni Vice President Sara Duterte bilang business interest, ay nakakuha ng mga kontrata sa Davao City government na pinamumunuan ng kanyang kapatid na si Mayor Sebastian Duterte.

Batay sa mga rekord ng PhilGEPS na iniharap sa impeachment court, nakakuha ang GenCorp ng 49 government contracts na nagkakahalaga ng ₱35.878 milyon mula Hulyo 2022, kabilang ang ₱34.217 milyon mula sa Davao City government.

Idineklara naman ni VP Sara ang GenCorp bilang business interest sa kanyang 2024 at 2025 SALN.

--Ads--

Iginiit ni Barbers na maaaring pumasok ang isyu sa Article VII, Section 13 ng 1987 Constitution, na nagbabawal sa Pangulo at Bise Presidente na magkaroon ng financial interest sa government contracts habang nasa puwesto.

Samantala, kinumpirma ni Mayor Baste Duterte ang mga kontrata sa GenCorp ngunit sinabi niyang hindi niya alam na konektado ito sa kanyang kapatid.