Pinagpapaliwanag ng Senate impeachment court si Atty. Salvador Paolo Panelo Jr., tagapagsalita ni Vice President Sara Duterte, kaugnay ng kaniyang mga pahayag na kumukuwestiyon sa pagiging patas ng ilang senador na dumidinig sa impeachment trial ng Bise Presidente.
Ito ay kasunod ng pag-apruba ni Senate impeachment court Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero sa mosyon ni Senator-Judge Erwin Tulfo na magpalabas ng Show Cause Order laban kay Panelo.
Nag-ugat ang usapin sa mga pahayag ni Panelo na nagpapahiwatig umano ng pagkiling ng ilang senator-judges matapos kuwestiyunin ang kredibilidad ng mga testigo ng depensa.
Partikular na tinukoy niya ang pagtatanong nina Senators Risa Hontiveros, Francis Pangilinan at Raffy Tulfo kay Atty. Rainer Dela Fuente, dating opisyal ng Anti-Money Laundering Council o AMLC, hinggil sa kaniyang kakayahang suriin ang forensic financial report na inihanda ni Atty. Alexander Cabrera.
Iginiit ni Panelo na dapat ang prosecution panel, at hindi ang mga senador-huwes, ang kumukuwestiyon sa kredibilidad ng mga testigo.
Samantala, sinabi ni Panelo na handa niyang harapin ang inilabas na Show Cause Order.
Sa kaniyang pahayag, iginiit niyang hindi dapat gamitin ang kapangyarihang magparusa dahil sa contempt upang hadlangan ang lehitimong pagpuna at pagsusuri ng publiko sa mga hukuman.
Ayon kay Panelo, hindi nangangahulugang dahil may kapangyarihan ang korte na magparusa sa contempt ay hindi na ito maaaring sumailalim sa lehitimong kritisismo ng publiko.











