CAUAYAN CITY – Mariing pinabulaanan ni Congresswoman Sheena Tan ng 4th district ng Isabela ang alegasyon ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na nagmamay-ari siya ng mga construction companies.
Sa naging pahayag ng kongresista sa kanyang social media page, sinabi niya na kailanman ay hindi siya nagkaroon ng anumang construction companies maging ang pagkakaroon ng shares.
Mapapatunayan aniya ito ng PACC sa pagsuri at pag-validate sa mga concerned government agencies.
Nakahanda siya na makipagtulungan sa isasagawang imbestigasyon para malinis ang kanyang pangalan.
Ayon sa mambabatas, mula ng pinagkatiwalaan siya ng mga tao ay itinuring niya itong isang pribilehyo kaya hindi niya ito sasayangin.
Samantala, ipinagtanggol ng Labor Secretary Silvestre Bello III sii Congresswoman Sheena Tan kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pagkakadawit nito sa korapsyon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni kalihim Bello III na nagulat siya ng marinig ang pangalan ni Congresswoman Tan sa ulat sa bayan ng pangulo kagabi.
Dahil dito, pagkatapos ng kanilang pagpupulong ay nilapitan niya ang pangulo at ipinagtanggol ang kongresista pero ngumiti lang ang presidente.
Bukod sa kanya ay ipinagtanggol din ni Senador Bong Go si Congresswoman Tan.
Naniniwala siya na hindi sangkot ang kongresista sa korapsyon at maaring ang mga mga district engineers talaga ang pinatatamaan ng pangulo at naitaon lamang na si Congresswoman Sheena Tan ang kinatawan ng ikaapat na distrito ng Isabela na nakakasakop sa mga ito.
Ayon sa kanya, sa halos dalawang taon na panunungkulan ng kongresista ay hindi pa siya humingi sa kanya ng proyekto at hindi na nagpapadagdag sa mga ibinibigay sa kanya.
Payo niya sa mga district engineers na pinangalanan na sagutin ang paratang sa kanila at kung walang katotohanan ay patunayan.












