CAUAYAN CITY– Pinapangambahan ng Integrated Bar of the Philippine (IBP) na magresulta ng constitutional crisis ang pagtutol ni Pangulong Rodrigo Duterte na sumailalim sa imbestigasyon ang Presidential Security Group (PSG) kaugnay sa COVID-19 vaccine.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Atty. Domingo ‘Egon’ Cayosa, pangulo ng IBP na kung pagbabatayan ang constitution ay mayroong kapangyarihan at responsibilidad ang legislative branch o ang Kamara at Senado na magsagawa ng imbestigasyon para malinawan ang mga usapin.
Gayunman, kung pagbabawalan ng pangulo ang mga opisyal ng PSG at ipipilit ng kongreso ang pagsasagawa ng imbestigasyon ay maaring magkaroon ng constitutional crisis dahil sa pagkakaroon ng magkaibang kagustuhan.
Ayon sa kanya, may kapangyarihan ang pangulo na pigilan ang mga opisyal ng PSG bilang commander in chief pero sa tingin niya ay hindi na ito sakop ng executive privilege dahil ang iimbestigahan naman dito ay ang paggamit ng bakuna na hindi dumaan sa Food and Drug Administration o FDA alinsunod sa batas.
Dagdag niya na hindi naman ito pakikialam ng kongreso sa kapangyarihan ng pangulo kundi isa itong legitimate public interest at legitimate subject of congressional inquiry at ang mahalaga lang naman dito ay sagutin ang mga tanong ng mga mambabatas para alam nila ang gagawin sa batas.
Ayon kay Atty. Cayosa, ang kinakaharap ngayon ng bansa at buong mundo ay isang pandemya kaya dapat lamang na maging transparent ang pamahalaan sa mga hakbang nito para malabanan ang COVID-19.
Hindi aniya ito ang panahon para sa legislative at executive branch na mag-away kundi dapat ay magtulungan.
Dapat din aniyang ang pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ay kung paano labanan ang pandemya at hindi ang kung anu-anong mga usapin.





